Batikang corporate lawyer ipinaliwanag ang disenyo ng ABS-CBN PDRs

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 07:35 PM | Updated as of Jun 11 2020 09:34 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Kilalang abogado at eksperto sa pamumuhunan, securities, at corporate law si Cynthia Roxas-Del Castillo na nagtuturo ng securities regulations at naging dean noon ng Ateneo Law School.

Nitong Huwebes, humarap sa Kamara si Del Castillo bilang abogado ng ABS-CBN nang mag-isyu ito Philippine deposit receipts (PDR) noong 1999 kung kailan lupaypay ang ekonomiya ng bansa bunsod ng financial crisis. 

Ipinaliwanag ni Del Castillo na ang PDRs ng ABS-CBN ay hindi labag sa probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari at mamahala ng mass media company.

"This is something that was both beneficial to the capital market, to the company that needed financing as well as of course to the government...It increased economic activities to a lot of companies which translate to more taxes," ani Del Castillo. 

Pero hindi kumbinsido si ANAK Kalusugan party-list Rep. Mike Defensor at iginiit na ang PDRs ay katumbas ng pag-aari sa isang kompanya.

Gumagamit lamang aniya ng sari-saring layer ang ABS-CBN para itago ang pagmamay-ari ng mga PDR holder sa network.

"Pagpaumanhin niyo po kahit isang patak, gabutil na pagmamay-ari di puwede. Kahit anong layering ng corporation di pinapayagan... PDR ay pagpapalusot ng pagmamay-ari ng banyaga," ani Defensor. 

Maghapong hinimay ng mga kongresista ang masalimuot na isyu ng PDRs ng ABS-CBN.

Hinimay nila ang kaibahan ng shares of stock, na patunay ng pagmamay-ari sa kompanya, sa PDRs, na itinuturing na isang financial instrument lamang.

"This contractual arrangement has nothing to do with ABS-CBN Broadcasting because ang parties po ng kontratang ito is covered by the investors and ABS-CBN Holdings. Hindi po party sa PDRs and ABS-CBN Broadcasting... Ang rights po ng PDR holders are only against ABS-CBN Holdings. And wala po silang rights on ownership or management of mass media corp which is ABS-CBN Broadcasting Corp," giit ni Del Castillo.

Dagdag pa ni Del Castillo, pasado ito sa pagsusuri ng Securities and Exchange Commission (SEC).

"If you know the scrutiny agencies and market authority does in doing registration, you will know ABS-CBN Holdings subjected itself to full review and supervision of SEC and PSE (Philippine Stock Exchange)."

Inamin ng ABS-CBN na may foreign companies gaya ng Capital Group ng Amerika na may PDRs ng ABS-CBN Holdings at pinayagan ito ng SEC at PSE.

Gayunman, tiniyak ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak na susunod ang kompanya sa anumang utos ng gobyerno tungkol sa PDRs. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.