PatrolPH

Bahagi ng munisipyo ng Mandaue City natupok

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 03:29 PM

Aabot sa P300,000 halaga ng pinsala sa ari-arian ang naidulot ng sunog na tumama sa bahagi ng munisipyo ng Mandaue City nitong madaling araw ng Huwebes, sabi ng Bureau of Fire Protection.

Bandang alas-2:50 ng madaling araw umano nag-umpisa ang sunog na tumupok sa ilang opisina ng mga city councilor at tanggapan ni Vice Mayor Glenn Barcode. Nagdeklarang under control ang mga bombero alas-3:20 ng madaling araw.

Ayon kay Senior Fire Officer 2 Edgar Vergara, imbestigador, maaaring nagsimula ang sunog dahil sa aircon na hindi natanggal sa saksakan.

Pero tinitingnan pa rin ng mga awtoridad ang posibilidad na sadya ang apoy.

Sa ngayon, suspendido muna ang trabaho sa ikalawang palapag ng munisipyo pero may ilang empleyadong pinapasok para tumulong sa paglilinis.

"There is a bit of a hassle but operations have continued," ani Mandaue Mayor Jonas Cortes.

Wala naman dapat ipag-alala ang publiko dahil naka-save naman online ang mga ordinansa at iba pang files ng lokal na pamahalaan, ayon kay Cortes.

Sa ikalawang palapag ng Mandaue City Public Market muna ililipat ang tanggapan ng Sangguniang Panlungsod habang sa session hall muna ng munisipyo lilipat ang opisina ng vice mayor.

-- Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.