MAYNILA — Laking panlulumo ng isang Bayan Patroller sa Quezon City nang makita niya ang kaniyang alagang pusa na nakabitin at wala nang buhay.
Tinanong siya ng isang kapitbahay kung kaniya ang pusang nakatali sa labas ng kanilang bahay at nagulantang siya na wala nang buhay ang kaniyang alagang si "Maxx" habang nakabitin na halatang pinagmalupitan.
Masama ang loob ng patroller dahil tinrato niyang parang miyembro ng pamilya ang alagang pusa.
Matapos ilibing si Maxx, desidido ang Bayan Patroller na magsampa ng kaso laban sa pumatay dito.
Ayon sa Philippine animal Welfare Society (PAWS), may kaakibat na parusang kulong o multa ang mapapatunayag lumabag sa Animal Welfare Act.
"First step pag meron po kayong narinig, sinasaktan 'yung hayop, pinapatay o kung ano man, may ginagawang violence, pumunta po agad sa pulis or tumawag sa pulis," ani PAWS executive director Anna Cabrera.
Payo ni Cabrera, lumapit ang Bayan Patroller sa PAWS para matulungan itong maghanda ng reklamo.
"Ang puwede niyo pong gawin ay gumawa po ng affidavit kung ano 'yung na-witness po ninyong krimen at tumawag lang po o mag-email sa PAWS at tutulungan namin kayong kumpletuhin ang affidavit ninyo para makapag-file po tayo ng kaso sa mga salarin," ani Cabrera. —Ulat mula sa BMPM
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, PAWS, pusa, cat, Philippine animal Welfare Society, TV PATROL, TV PATROL TOP