14-taong gulang na Pinoy, nalunod sa Israel; tulong sa pamilya, bumuhos

Rose Eclarinal, ABS-CBN News Europe Bureau

Posted at Jun 11 2020 04:24 PM | Updated as of Jun 11 2020 08:56 PM

Nagluluksa ang pamilya at mga nakakilala kay Jude Israel "Yuda" Bilog, 14, isang Pinoy sa Israel na nalunod sa isang beach doon noong ika-3 ng Hunyo. Kuha ni France Marie Cacho​

Isang trahedya sa panahon ng pandemya ang pagkalunod ng 14-taong gulang na batang Pinoy na si Jude Israel ‘Yuda’ Bilog sa Ashdod Beach sa Israel noong June 3.

Kasama siya ng 9 na kababataang Israeli at kapwa Pinoy na namasyal at naligo sa beach.

Nagpaalam ang teenager sa kanyang inang si Josephine na maliligo sila sa dagat at pinayagan naman siya.
 
Sa ekslusibong panayam ng ABS-CBN kay France Marie Cacho, tiyahin ni Yuda, hinigop umano ng tila ipuipo sa tubig ang apat na magkakaibigang naliligo, na lahat naman ay magaling lumangoy. 

Isang surfer ang nakakita at nagsalba sa apat. 
 
“Ang bilis ng pangyayari. Bigla na lang daw humangin, lumakas ang current ng tubig, at lumaki na ang alon. Ang hindi nila alam, ang beach na yun pala, mga 6:30 ng hapon, dun siya nagiging aggressive,” kuwento ni France. 
 
Nasagip ang tatlong teenagers, pero nilamon ng malakas ng puwersa ng tubig pailalim si Yuda. Dalawang araw ang lumipas, (gabi ng June 5) nang makita ang kanyang katawan. 
 
“Ang pamangkin ko pala, ang best friend niya, na-save pa niya at tinulungan niya makasampa sa surfing board. Nakahawak naman daw ang pamangkin ko, kaya lang, humampas uli ang malaking alon,” sabi ni France. 
 
Dagdag pa niya: “Sumigaw daw siya na 'Help me, help me, hindi ako makahinga' sa (salitang) Hebrew.”
 
Sa kabila ng hinagpis, umaapaw rin ang pasasalamat ng pamilya Bilog sa tulong ng mga kaklase, magulang at buong puwersa ng bayan ng Rehovot at Ashdod.

Dalawang araw na sinuyod ng special divers at roving helicopters ang dagat para hanapin ang nawawalang teenager.
 
“Grabe ang tulong ng Israel. Since day one, talagang binuhos nila: diver, pulis, Army. Mga helicopter nila, ginamit nila talaga. Lahat ng high-tech na gamit. Alam ninyo naman sa Israel, high-tech sila," ani France.

"Pero nahirapan sila kasi talagang aggressive ang tubig. Ang masaklap pa, ang lugar kung saan sila nag-swimming, marami palang butas sa ilalim ng dagat na may parang ipuipo. Kahit magaling kang swimmer, mahihirapan ka,” dagdag niya. 
 
Umani rin ng media attention ang kuwento ng pamilya ni Yuda kaya lalong hindi binitawan ang search and rescue operations.
 
“Lahat ng media na yata, nagpunta dito. Tumutulong at nagpoprotesta (kung mabagal ang kilos ng pagpapalibing) kasi nga, mga may problema, kasi undocumented ang pamangkin ko," sabi ni France.

TULONG NG MGA KABABAYAN AT ISRAEL
 
Bumuhos rin ang tulong at pakikiramay ng mga kababayan sa mga magulang ni Yuda.

Sabi ni Kalahi President Lourdes Levi, kahit walang kita ang mga Pinoy dahil sa lockdown, nagbigay ng pinansyal na tulong ang mga kababayan. Mabait at matulungin raw kasi ang pamilya Bilog at mabait na bata si Yuda. 
 
“Mababait ang mag-asawang ito. Nung hatiran ko sila ng relief, sabi nila 'Ate, isa (food pack) na lang po.' Sabi ko, 'Hindi, tatlo kayo sa pamilya, kulang yan.' Lockdown dito, 3-4 months. Walang trabaho, kaya mahirap. Wala silang bala,” sabi ni Levi. 
 
Sabi naman ni France tungkol kay Yuda: “Napaka-pure niya. Siya ang batang di nagsisinungaling at di nagsasalita nang masama.” 
 
Naging mukha si Yuda ng kalagayan ng mga undocumented Filipino children sa Israel para muling mapansin ang kanilang kondisyon.

Matatandaang noong isang taon, naghigpit ang bansang Israel sa pagpapauwi ng mga undocumented migrants, kasama ang kanilang anak.
 
Aktibo ang grupong United Children of Israel sa paglaban sa mga nagpapa-deport sa mga batang may edad 12 pababa na walang dokumento. Israel na raw kasi ang nakilala nilang bayan at di pa sila nakakatapak sa Pilipinas.
 
Sa Israel, ang sinumang magkaroon ng anak habang contract worker ay lumalabag sa batas. Para ma-renew ang visa, kailangan pauwiin ang bata sa Pilipinas. Pero maraming Pinoy na mas piniling makipagsapalaran. 
 
Dahil lockdown, wala raw hulihan sa Israel. 
 
“Temporary, dahil lockdown, walang hulihan. Kasi nga, hindi rin open ang court. Ang court for emergency cases lang. Sabi ng immigration kasi, tinanong ko, pwede silang lumabas, pwede silang maghanapbuhay; they can do what they want. As long as walang flights, di kami kikilos'," kuwento ni Levi.
 
HINAGPIS NG PAMILYA
 
Sa kabila ng buhos ng suporta, di mapigil ang hinagpis ng mga magulang ni Yuda na sina Josephine at Teofilo Bilog. Labing apat na taon rin silang naghintay at nakipagsapalaran. 
 
Pero matapos ang trahedya, maaring mapabilis ang pagkakaroon nila ng legal right na manatili sa Israel.

Marami na kasi ang tumutulong sa kanila ngayon. Marami rin daw imposibleng nangyari matapos mamatay ni Yuda.

Una, binigyan siya ng Jewish ceremony sa libing na kung tawagin ay ‘halvaya.’ Nailibing rin si Yuda sa Shderot Moshe Sane, isang Jewish cemetery. Di pinapayagang malibing doon ang hindi Hudyo. Wala ring perang pambayad ang pamilya ni Yuda sa libingan pero sinagot ito ng mga benefectors. 
 
“Inaayos na nila ang residency ng kapatid ko para hindi mag-isa dito si Yuda. Kasi undocumented ang kapatid ko. And 'pag napauwi sila, maba-block sila at di sila makakabalik dito. Sabi nila, blessing in disguise, pero ewan ko,” pahayag ni France.
 
Para sa pamilya Bilog, lahat ng tulong, maliit man o malaki ay blessing. Pero ang pagkakaraoon ng dokumento sa gitna ng kamatayan ng kanilang anak ay napakalaking kapalit.
 
May higit 30,000 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan sa Israel. 
 
Ayon sa Hotline for Migrant Workers, 60,000 foreigners ang nagtratrabaho sa care homes sa Israel, at halos kalahati sa bilang na ito ay mga Pinoy.