SAPUL SA CCTV: Babae ginulpi ng holdaper sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 06:03 PM | Updated as of Jun 11 2019 07:20 PM

Pumalag ang biktimang babae sa pag-agaw ng isa umanong magnanakaw sa kaniyang gamit, dahilan para hampasin siya nito ng helmet at pagsasapakin.

(UPDATE) Natimbog ng Quezon City Police District (QCPD) ang 2 umanong snatcher na nakuhanan ng video habang ginugulpi ang kanilang babaeng biktima sa New Manila.

Sakay ng motorsiklo ang 2 suspek habang tila nag-aabang ng mabibiktima sa 13th Street, Barangay Mariana noong Linggo, base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinamba ng isa sa mga suspek ang isang babae bago sapilitang inagaw ang kaniyang gamit.

Hinampas ng suspek ang biktima gamit ang helmet dahil sa pagpalag nito, base sa kuha, hanggang sa suntukin niya na ito nang sunod-sunod na beses.

Hinabol ng biktima ang 2 suspek hanggang sa nakahingi siya ng tulong sa mga pulis na noo'y rumoronda sa lugar. 

Naabutan at nahuli ng mga pulis ang isa sa mga suspek matapos iwanan ng kasama niyang sakay ng motorsiklo.

Sa follow-up operation naman sa Barangay Valencia nadampot ng pulisya ang isa pang suspek.

Inamin ng 2 suspek ang ginawang krimen.

Nagsagawa ng operasyon ang QCPD para maaresto ang itinuturong ilan pang kasamahan ng 2 naarestong suspek.--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.