Naghain na ng courtesy resignation ang mga board member ng PhilHealth nitong Martes kasunod ng pagpapabitiw sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto, ayon sa Department of Health (DOH).
Kaugnay ito ng umano’y mga "ghost dialysis" ukol sa WellMed dialysis center na umano ay kumukubra mula sa government health insurance firm kahit patay na ang mga pasyente.
Ani Health Secretary Francisco Duque III, nagbaba ng utos si Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sina PhilHealth acting President at CEO Roy Ferrer at mga board member.
"The marching order is quite clear and that again he (Duterte) expects that the letters of resignation will be filed by the end of the day and he would like to have a clean slate and he would like to study the challenges confronting PhilHealth," ani Duque sa isang press conference nitong Martes.
Sa ngayon ay nagsumite na ng courtesy resignation ang lahat ng mga board members maliban sa isa na nasa labas ng bansa.
Bukod sa kanila, 35 pang opisyal ng PhilHealth ang hinihingan din ng Malacañang ng mga courtesy resignation, kabilang dito ang mga vice president, area at regional vice presidents. "Clean slate" ang gusto ng pangulo, ayon kay Duque.
Pero iginiit ng kalihim na hindi maaapektuhan ang serbisyo ng PhilHealth sa nangyaring pagbibitiw at magkakaroon pa ng transisyon sa mga papalit.
"Hindi naman puwede na they will just leave their post. So we will have to look if who will be in charge, who will take over, who is next in rank, so these things are very important in terms of operations," ani Duque.
Dagdag ni Duque, kailangan ding balasahin ang accreditation committee ng PhilHealth. Sinisi niya ang grupo kung bakit walang narating ang rekomendasyong tanggalan ng accreditation ang WellMed dialysis center.
Aniya pa, sisilipin ng DOH ang iba pang units ng PhilHealth sa posibilidad na nagkaroon ng kuntsabahan lalo na’t mahirap umanong mangyari ang anomalya nang walang nakakaalam mula sa loob kung paano lusutan ang proseso ng PhilHealth.
Pag-aaralan naman ni Philippine Red Cross chairman at Sen. Richard Gordon kung paano patataasin ang parusa sa anomalya tulad ng ghost dialysis.
Ayon naman sa Malacañang, inalok ni Duterte ang pagkapangulo ng PhilHealth sa doktor at negosyanteng si Jaime Cruz, pero hindi pa rin niya ito tinatanggap.
-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, PhilHealth, Department of Health, Francisco Duque III, Health, kalusugan, ghost dialysis, kidney dialysis, Jaime Cruz