'Pangakong 5 minutong Makati-Cubao na biyahe, di literal'

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na huwag gawing literal ang pag-unawa sa binitawang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na limang minuto ang magiging biyahe mula Cubao hanggang Makati.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, nangangahulugan lamang na "malaking pagbabago" ang pahayag ng pangulo. 

"Umasa tayo ng malaking pagbabago, improvement sa flow ng traffic sa buwan ng Disyembre. Siguro 'yung 5 minute na sinasabi niya (Duterte), huwag nating gawing literal," ani Lim. 

Bagaman maituturing na "mission impossible" ayon kay Lim, magpa-plano na sila para mapatupad ang pangako ng Pangulo na maayos ang daloy ng trapiko sa EDSA. 

"Mission impossible pero ngayon pa lang magpaplano na kami ng mga traffic schemes para mapatupad 'yan," ani Lim. 

Hindi tahasang masabi ng MMDA kung imposible o posible ang gustong mangyari ng pangulo pero ayon sa kanilang datos, kakailanganing tumakbo ng 110 kilometro kada oras para makuha ng limang munuto mula Cubao hanggang Ayala. 

Sa ngayon, ang tipikal umanong biyahe mula Cubao hanggang sa Ayala sa Makati ay aabot ng 31 minuto at 7 segundo nang may 17.76 kilometro kada oras (kph) na takbo kung walang aberya sa daan gaya ng bangaan, aksidente, malakas na ulan o pagtirik ng sasakyan. 

Kung morning rush hour, inaabot umano ng isang oras at kalahati ang biyahe mula Cubao hanggang EDSA-Ayala, na katumbas ng 7.40 kph. 

Aabot naman sa 9.9 kilometro (kph) kada oras ang biyahe kapag afternoon rush hour. 

Bukod pa rito, may speed limit na 60 kilometro kada oras kaya mahirap umanong arukin kung paano mailulusot ang planong limang minute na biyahe. 

Tingin naman ni Bong Nebrija na mas mapapabilis lang ang daloy ng trapiko kung walang kokontra sa kanilang ipinapanukala gaya ng high occupancy vehicle policy, provincial bus terminal ban, at pagbabawal sa pagsakay at pagbaba sa ilang lugar. 

"This is... a radical pronouncement by the president that needs a radical solution. So that's what we're trying to come up with," ani Nebrija. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.