Dating kapitan, nahulihan ng mga baril

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 04:04 PM

Mga baril, bala at granada ang narekober mula sa bahay ng dating kapitan ng barangay sa bayan ng Tarangan sa Samar. Larawan mula sa Criminal Investigation and Detection Group-Samar

 
TARANGAN, Samar – Timbog ang dating kapitan ng barangay at kaniyang kasambahay matapos na mahulihan ng mga baril sa isinagawang operasyon sa Barangay Cagtulo, Martes ng umaga.

Naisagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng korte laban kay Efren Cagumoc, 59-anyos, retired na kasapi ng Philippine Air Force at dating barangay chairman sa kanilang lugar. Kasama ring nahuli ang 46-anyos na kasambahay ni Cagumoc na si Ronita Habon.

Nakuha sa kanila ang dalawang kaliber .45 na baril, mga magazine, at mga bala nito, 12 bala ng shotgun, dalawang hand grenades, sling bag at holster ng kaliber .45 na baril.

Ayon kay Police Major Norma Ala, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Samar, hinuli nila ang kasambahay dahil binalak umano nitong itakas ang mga baril habang isinasagawa ang operasyon.

Nahaharap na sa kasong obstruction of justice ang kasambahay at paglabag naman sa Comprehensive Firearms Regulations Act at illegal possession of firearms and ammunition si Cagumoc.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.