3 suspek sa pagpatay sa misis ng ex-Batangas vice mayor arestado

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 06:32 PM | Updated as of Jun 11 2019 08:47 PM

Naaresto na ang 3 suspek sa pagpatay sa misis ng isang dating vice mayor sa Batangas, na kinabibilangan ng mismong hipag at manugang ng biktima.

Dinampot noong Biyernes ng mga pulis sina Florina at Joan Ramos, na itinuro ng isang testigo bilang mga responsable sa pagpatay sa 55 anyos na si Edelina Ramos.

Watch more in iWant or TFC.tv

Si Florina ang hipag habang si Joan naman ang manugang ni Edelina, na misis ng napaslang na vice mayor ng bayan ng Santo Tomas na si Ferdinand Ramos.

Natagpuan noong Hunyo 3 sa gilid ng lawa sa Barangay Halang, Lipa City ang bangkay ni Edelina. 

Lumabas sa pagsusuri ng mga awtoridad na nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.

Naaresto naman sa Tiaong, Quezon ang gunman na si Jerry Rabano. Nakuha sa kaniya ang baril na ginamit umano sa pagpatay kay Edelina.

Away-pamilya ang motibo ng krimen, ayon kay Police Lt. Col. Ramon Balauag, hepe ng Lipa City Police Station. 

Pinaghihinalaan umano ng mga kaanak ni Ferdinand na si Edelina ang nagpapatay sa mister nito noong Hulyo 2018.

Kinasuhan na ng murder ang mga naarestong suspek.

Bagaman nalutas na ang kaso, sinabi ng Batangas police na hindi pa sila titigil sa imbestigasyon para matukoy kung may iba pang kasabwat sa pagpatay kay Edelina gayundin sa pagpaslang kay Ferdinand.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.