2 miyembro ng gun-for-hire group patay sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 06:31 PM | Updated as of Jun 12 2019 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay noong umaga ng Martes sa bayan ng Victoria, Laguna ang 2 lalaking sinasabing miyembro ng gun-for-hire group matapos silang makipagbarilan sa mga pulis.

Nangyari ang engkuwentro sa Barangay Nanhaya, sa inuupahang bahay ng suspek na si Christopher Teñido, alyas "Bulok," na umano ay lider ng Bonet Gang.

Pinaputukan ng baril ni Teñido ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Laguna at Laguna Provincial Intelligence Branch na maghahain sana ng arrest warrant laban sa kaniya, ayon kay Police Maj. Zyrus Serrano, hepe ng CIDG-Laguna.

Nasawi rin sa engkuwentro ang kasama ni Teñido at isa pang miyembro ng gang na si Ruperto Pabalan. 

Responsable umano ang Bonet Gang sa pagpatay sa mga pulis at politika sa lalawigan, at pagbenta ng ilegal na droga.

Kasama si Teñido sa listahan ng most wanted persons sa Calabarzon region at high-value target ng Laguna police.

Nabawi sa mga nasawing suspek ang isang kalibre .45 na baril, submachine gun, at pick-up truck.--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.