Ulan asahan sa Araw ng Kalayaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 09:14 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Maulan pa rin dahil sa habagat o southwest monsoon sa malaking bahagi ng Luzon sa Martes, Hunyo 12, kung kailan ipagdiriwang ang ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Pinalalakas ang habagat ngayon ng monsoon trough kung saan nakapaloob ang bagyong "Domeng" at isang low pressure area sa may Southern China.

Nakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Domeng nitong Linggo, Hunyo 10, at malapit na sa Japan.

Bunsod ng habagat, asahan ang maghapong ulan sa Martes at maging sa Miyerkoles, Hunyo 13.

Posible pa rin ang paminsan-minsang malakas na buhos ng ulan lalo na tuwing tanghali at hapon.

Maaaring sa Huwebes pa bahagyang hihina ang ulan sa Metro Manila.

Magpapatuloy ang malakas na ulan sa Martes sa Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Nueva Ecija, Pangasinan, at La Union.

Posibleng makaranas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan din ang Isabela, Cagayan, at Batanes.

May kalakasang pag-ulan din sa Martes sa Benguet at Ilocos Sur, base sa rainfall forecast ng The Weather Company.

Pagdating ng Miyerkoles, posible pa ring makaranas ng malalakas na ulan ang Zambales, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Abra. 

Mararanasan din ang kalakasang pag-ulan sa Occidental Mindoro, Tarlac, at Benguet.

Magiging maganda ang lagay ng panahon sa Visayas at Mindanao sa Martes, maliban lang sa Western Visayas, Cagayan De Oro, Bukidnon, at Southern Mindanao na may tsansa ng panandaliang ulan sa Araw ng Kalayaan.

ULAN AT BAHA

Watch more in iWant or iWantTFC

Linggo pa lang ay inanunsiyo na ang mga suspensiyon sa klase nitong Lunes dahil sa masamang lagay ng panahon.

Tulad ng karaniwang tagpo, lubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila.

Hindi makalusong ang mga motoristang nangangambang matirikan ng makina ng sasakyan.

Ilang residente rin ang walang magawa nang pasukin na ng tubig ang kani-kanilang mga bahay.

Inanod din sa Manila Bay ang mga basurang humalo sa tubig.

Ilang puno ang bumagsak sa lakas ng hangin at ulan. 

Agad naman kumilos ang traffic enforcers at iba pang kawani ng gobyerno para maitabi ang mga puno nang hindi makasagabal sa mga motorista.

Sugatan ang isang babae nang gumuho ang bahagi ng pader sa likod ng Quezon City Sports Club sa kasagsasagan ng ulan at malakas na hangin.

Agad namang nadala sa ospital ang biktima.

Gumuho ang riprap sa tapat ng Cabading Hospital sa Barangay Inarawan sa Antipolo City.

Ayon sa Office of Public Safety and Security ng Antipolo City, lumambot ang lupa kaya lumubog ang riprap. 

Naapektuhan ng guho ang bahagi ng kalsada at sidewalk.

Walang sugatang residente sa pagguho.

Sa Camarines Sur, patay ang dalawang batang magkapatid at tatlong iba pa ang sugatan nang madaganan ng naputol at bumagsak na puno ng buri ang kanilang bahay.

Sinasabing dahilan ng pagbagsak ng puno ang malakas na hangin.

-- Ulat nina Kim Atienza at Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.