Pekeng abogado, arestado ng NBI

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 08:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto sa Caloocan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nagpapanggap umanong abogado, at nag-aalok ng mga serbisyong notaryo at libreng kasal.

Sinalakay ng mga tauhan ng NBI ang mistulang law office ng suspek na si Edgardo Rodriguez sa Barangay Bagong Silang matapos itong tumanggap ng marked money mula sa undercover agent kapalit ng pagnotaryo ng dokumento.

Katuwiran ni Rodriguez, may pahintulot siyang gamitin ang pangalan ng isang abogado.

"Ang usapan namin... mag-notarize ako, mga affidavit of loss, kung ano-ano pa. And then bibigyan niya ako ng document number," ani Rodriguez. 

Ginamit pa ni Rodriguez ang titulong 'Reverend-Engineer' pero lumabas na hindi siya reverend o inhenyero.

"Hindi ako pasado ng board exam. 'Yong 'Reverend' naman, bali, dati akong nagkakasal... iyong aking authority (as reverend), expired," ani Rodriguez.

Ikinasa ang operasyon laban kay Rodriguez matapos siyang ireklamo ng abogadong ginagamit niya sa pagnonotaryo.

Nilinaw naman ni NBI Anti-Fraud Division chief Irvin Garcia na ang puwede lang magnotaryo ay ang mga abogadong pinahintulutan ng korte na nasa jurisdiction ng kanilang bayan.

Dapat personal din sila na pumirma sa pagnotaryo at hindi iniuutos sa iba.

"Sa mismong commission na notary public sila magpanotaryo lang para at least iyong kanilang dokumento na ipanonotaryo ay valid talaga," ani Garcia.

Dagdag pa ni Garcia, hindi rin kailangan ng abogado sa pagpapakasal.

"Kung ikaw naman magpapakasal, dapat lumapit ka sa city hall kung saan sila nag-i-issue ng marriage certificate," ani Garcia.

Nahaharap si Rodriguez sa kasong usurpation of authority.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.