Magnanakaw umano ng bulaklak, halaman timbog sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 10:33 AM

DAVAO CITY - Arestado ang isang lalaking nahuli umanong nagnanakaw ng bulaklak at halaman sa isang garden sa Palm Village, Barrio Obrero, Lunes ng madaling araw.

Nakita ng mga kapitbahay ang suspek na si Giovannie Loyong, at ang ilan pang kasama nito, na pumasok sa garden ng isang Erlinda Martinez, na agad nakapagsumbong sa mga awtoridad.

Nahuli si Loyong pero nakatakas naman ang hindi pa nakikilalang mga kasama nito, na siyang tumangay sa mamahaling bulaklak na Tillandsia at ilang mga halamang bonsai.

Nagulat naman si Martinez dahil namukhaan niya si Loyong na isa sa mga madalas mamili sa kanya ng bulaklak.

Giit naman ng suspek, damay lang siya sa krimen ng kanyang mga kasama na balak umanong ibenta ang mga halaman online. Hinahanap na ngayon ang mga kasama ni Loyong.

Paalala naman ng pulisya sa mga bumibili ng bulaklak online, alamin kung sino ang may-ari o kung may garden ba talaga ang nagbebenta para di makabili ng mga ninakaw na halaman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.