Lalaking tumestigo laban sa mga kaibigan, patay sa pamamaril

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 09:43 PM | Updated as of Jun 11 2018 09:57 PM

ILIGAN CITY – Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa gilid ng kalsada sa Purok 2, Barangay Del Carmen sa Iligan City, Lunes.

Kinilala ang biktima na si Michael Amam. 

Ayon sa mga residente, bandang alas-3 pa ng madaling araw nang makarinig sila ng putok ng baril. 

"Di ko lang makita kung may binaril kasi nahulog 'yung patay sa kanal,” sabi ng residenteng si Ben Rafols.

Ayon kay Rafols, hindi tumatambay si Amam sa kanilang lugar ng dis-oras ng gabi kaya malamang may kinakatagpo itong kakilala.

Ayon naman sa pulisya, dumulog na sa kanila ang biktima dahil pinagbantaan ito ng kaniyang mga kaibigan matapos siyang tumestigo laban sa kanila dahil sa paninira nila ng mga culvert.

Tinitignan naman ngayon ng pulisya kung nakunan ng CCTV malapit sa lugar ang krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.