Katiwala ng ina ng alkalde ng Brooke's Point, patay sa saksak

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 03:16 PM

BROOKE'S POINT, Palawan - Patay sa pananaksak ang katiwala ng ina ng alkalde ng bayan ng Brooke's Point Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Ian Rod Ubod alyas Buboy, 23 taong gulang at katiwala ng ina ni Mayor Jean Feliciano.

Batay sa imbestigasyon, nagising ang may-ari ng bahay dahil sa ingay na narinig sa labas ng kuwarto nito. Nang silipin, nakita nila ang biktima na duguan at may saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan nito.

Isinugod pa ito sa ospital pero idineklarang dead on arrival ng doktor.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng hindi bababa sa 20 saksak si Ubod.

"Masasabi po natin sa mga ganitong bilang ng nasabing saksak, may galit. At ito po ay isa sa mga tinitignan at tayo po ay patuloy na nagsasagawa pa ng isang malalimang imbestigasyon para po malutas ang nasabing kaso," paliwanag ni Police Senior Inspector Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Police.

Nakipag-ugnayan na ang pamilya ng may-ari ng bahay sa mga awtoridad. Anila, tila kabisado ng salarin ang loob ng bahay.

May hinala na ang pamilya sa pagkakakilanlan ng salarin. Inalis na rin ang anggulong pagnanakaw dahil wala namang nakuha sa bahay.

Inaalam pa ng pulisya kung may nakaalitan ang biktima, pero ayon sa pamilya ni Feliciano, mabait na bata ito.

"Napakabait kaya napakalaking kawalan talaga 'yun (Buboy) lalo na sa pamilya namin, siyempre matanda na 'yung nanay ko, 80 years old na siya, nakakalungkot nga kasi kailangan pa niya ma-witness 'yung ganitong ka gruesome na murder pero pinapa sa Diyos namin ang lahat," aniya.

Nakahanda namang magbigay ng P100,000 pabuya si Feliciano sa makakapagbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.