Dating security adviser Roilo Golez, pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 10:45 PM | Updated as of Jun 15 2018 11:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(CORRECTED/UPDATED) Pumanaw nitong Lunes sa edad na 71 ang dating national security adviser na si Roilo Golez.

Wala pang opisyal na pahayag ang doktor sa sanhi ng kamatayan ni Golez bagaman sinasabi ng kaniyang pamilya na dahil ito sa atake sa puso. 

Nakatakda sanang sumalang sa panayam ang dating kalihim sa studio ng ABS-CBN News Channel sa Makati pero habang naghihintay ay sumama umano ang kaniyang pakiramdam.

Kuwento ng kapatid na si dating Navy chief Ferdinand Golez, habang bumibiyahe sa EDSA papunta sa kaniyang opisina sa Ortigas, saktong dumaan sa harap niya ang ambulansiyang naghatid sa kapatid sa ospital.

"Hinarang ako ng traffic aide, sabi, 'Doon ka muna,' so huminto ako. 'Pag hinto ko, dumaan iyong ambulansiya," sabi ni Ferdinand sa panayam ng ABS-CBN News.

"Tapos nakita kong nakasunod 'yong van niya... tinawagan ko siya, walang sumasagot," ani Ferdinand.

Nagtapos si Golez sa U.S. Naval Academy noong 1970 at nagsilbi sa Philippine Navy.

Naging kinatawan din siya ng Parañaque sa House of Representatives sa loob ng anim na hindi magkakasunod na termino mula 1992 hanggang 2001.

Nagsilbi rin siyang security adviser ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2001 hanggang 2004.

Kilala din si Golez sa kaniyang advocacy na ipaglaban ang pag-aari ng Pilipinas sa mga isla sa West Philippine Sea.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.