Buntis arestado nang mahuli umanong nagre-repack ng shabu

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 10:55 AM

MAYNILA - Arestado ang mag-ama at isang kapitbahay nila matapos umanong maaktuhan ng mga awtoridad na nagre-repack at gumagamit ng shabu sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay Glenard Dayao, opisyal ng barangay, isang concerned citizen ang lumapit sa kanila habang sila ay nagroronda para isumbong ang isang babaeng tulak umano ng droga.

Sinundan nila ang babaeng itinuro ng concerned citizen hanggang sa makarating ito sa isang bahay. Pagsilip nila sa pintong naiwang bukas nakita nila itong nagre-repack ng umano'y shabu.

Kasama ng babaeng si alyas "Ana" ang kanyang ama na si alyas "Rodel" na gumagamit umano ng shabu. Napag-alaman pa ng mga awtoridad na anim na buwang buntis si Ana.

Sa record ng pulisya, dati na rin umanong nakulong si Ana dahil sa pagkakasangkot sa ilegal droga. Samantala, nahuli rin umanong nagsha-shabu ang kapitbahay ng mag-ama na si alyas "Boy."

Narekober sa kanila ang walong sachet ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia. Nahaharap sa kasong paglabag sa dangerous drugs act ang 3 suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.