Preliminary conference sa mga petisyon vs. batas militar, itinakda bukas

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 11:02 PM

Pinadadalo sa preliminary conference bukas, Hunyo 12, ang mga abogado ng petitioners laban sa Proclamation No. 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsailalim ng buong Mindanao sa batas militar at nagsuspende rin sa pribilehiyo ng writ of habeas corpus.

Iniutos din ng Korte Suprema nitong Sabado na pagsama-samahin ang tatlong petisyong humihiling na ipawalang-bisa ang deklarasyon ng Pangulo ng batas militar sa Mindanao at pagsuspinde sa pribilehiyo ng writ of habeas corpus. 

Ipinasasama sa naunang inihaing petisyon ng ilang kongresista mula sa minorya, ang mga sumunod na petisyong inihain nitong Biyernes mula sa iba pang mambabatas sa pangunguna ng ACT Teachers' Party-list, Gabriela Women's Party-list, at Kabataan Party-list; pati na rin ang hiwalay pang petisyon ng apat na babaeng residente ng Marawi.

Nakatakdang dinggin ang mga petisyon sa tatlong araw na oral arguments na magsisimula sa Martes, Hunyo 13.

Kaugnay nito, inutusan din ang Office of the Solicitor General, kumakatawan sa mga opisyal ng gobyerno na 'respondent' sa mga petisyon, na maghain ng komento rito, bukas din, alas-12 ng tanghali, Hunyo 12.

Sinasabi ng tatlong petisyon na wala umanong basehan ang deklarasyon ng batas militar at suspensiyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus. Ipinapanawagan nila sa mataas na hukuman na ideklarang labag sa saligang batas ang Proclamation No. 216.

Nagdeklara ng batas militar si Pangulong Duterte matapos salakayin ng grupo ng Maute ang Marawi City.

Naghain naman ng magkahiwalay na resolusyon ang House of Representatives at Senado sa pagpapahayag ng suporta sa aksiyon ng Pangulo at pagtatangging magkaroon pa ng joint session ang Kongreso para talakayin ang mga basehan ng batas militar.

May 30 araw ang Korte Suprema para resolbahin ang anumang petisyon tungkol sa batas militar sa Mindanao at pagsuspinde ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.