Lalaki, patay matapos pagtatagain ng menor de edad sa Tacloban

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 07:33 PM

TACLOBAN CITY - Isang pedicab driver ang patay matapos tagain ng isang menor de edad sa Tacloban City nitong Linggo.

Nakabulagta na sa daan at duguan nang matagpuan si Argie Longasa, 27.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pananaga 10 ng umaga sa purok Lapu-Lapu, Barangay 89.

Isang 17 anyos na hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang umano'y pumatay kay Longasa.

Pero ayon sa isang nakakita sa pangyayari, naglalakad ang biktima sa daan at naghahamon ito ng away.

Nagpakita naman ang suspek na may dalang itak at dito na nagsimulang mag-away ang dalawa.

Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.