Labi ng 8 sa 13 sundalong napatay sa Marawi City, naiuwi na

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 06:25 PM

MANILA - Naiuwi na sa Maynila ang labi ng walo sa 13 sundalong napatay noong Biyernes sa 14 na oras na labanan sa Marawi City. 

Kahit bakas ang pangungulila, lakas ng loob ang isinalubong ng mga pamilya at kaanak ng mga sundalong napatay. 

Para sa kanila at para sa kanilang mga kasamahang sundalo na katuwang nilang naghintay, tunay na bayani ang mga nasawing sundalo.

Sa 13 napatay, walo ang iniuwi sa Maynila nitong Linggo. Kabilang dito sina:

1st Lt. Raymond Abad
1st Lt. John Frederick Savellano
Staff Sergeant Joven Triston
Sgt. Simeon Plares
Private Bernie Jhon Lunas
Private Gener Tinangag
Corporal Rolan Sumagpang
Private First Class Marvin Russel Gomez

Lulan ng C130 galing Cagayan de Oro, lumapag sa Villamor Airbase ang labi ng mga nasawing sundalo pasado 5 ng hapon.

Susundan ito ng arrival honors na iginawad sa mga bayaning sundalo.

Pinangunahan ni Major General Emmanuel Salamat, commandant ng Philippine Marines, ang buong aktibidad.

Mula sa Villamor Airbase ay dadalhin at aayusin muna sa isang punerarya ang mga labi.

Sa Lunes ay magsasagawa ng full military honors sa Marine Barracks Rudiardo Brown sa Fort Bonifacio, Taguig City para sa mga nasawing sundalo. 

Ayon kay Philippine Army 1st Infantry Division spokesperson Lt. Col. Jo-Ar Herrera, namatay ang mga sundalo habang inililigtas ang mga sibilyan sa Marawi City.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang Malacañang sa pagpanaw ng mga sundalo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.