Duterte, itinangging nagpatulong sa Amerika para magapi ang Maute

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 08:55 PM

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya alam na nagbibigay ng tulong ang Amerika sa militar ng Pilipinas para magapi ang teroristang Maute.

Ayon pa kay Duterte, hindi siya kailanman lumapit sa Amerika para humingi ng tulong.

''I am not aware of that until they arrived,'' ani Duterte sa isang media briefing nang tanungin tungkol sa suportang ibinigay ng Amerika para labanan ang mga terorista.

Una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na nagbigay ng tulong teknikal ang Amerika para matapos na ang kaguluhan sa Marawi na nasa ikatlong linggo na.

''They are not fighting. They are just providing technical support,'' ayon sa tagapagsalita ng 1st Infantry Division na si Lieutenant Colonel Jo-Ar Herrera sa isang news conference sa Marawi City.

Kinumpirma ng Pentagon, headquarters ng U.S. Department of Defense, na tinutulungan nila ang militar ng Pilipinas sa Marawi City.

Ayon sa isang opisyal ng U.S., kabilang sa mga ibinibigay nilang suporta ang aerial surveillance at targeting, electronic eavesdropping, communications assistance, at training.

Ayon sa isang di pinangalanang opisyal ng Amerika, hindi direktang nakikipagbakbakan ang tropang Amerikano dahil bawal umano ito sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Pero puwede raw depensahan ng mga sundalo ang kanilang sarili kung kinakailangan.

Nitong Biyernes, 13 Philippine marines ang nalagas habang nagsasagawa ng operasyon laban sa Maute. 

Pumalo na sa 58 ang patay sa tropa ng gobyerno, habang 21 sibilyan at mahigit 140 rebelde na ang nasawi.

Sabi ni Herrera, kinukumpirma pa ng militar ang mga ulat na napatay na umano ang magkapatid na Maute na nagtatag ng grupo.

Nagsanib puwersa ang magkakapatid na Maute at si Isnilon Hapilon, sinasabing lider ng Islamic State sa Timog Silangang Asya. Naniniwala naman ang militar na nasa Marawi pa rin si Hapilon.

Nauna nang sinabi ng militar na umaasa silang mawawakasan na ang bakbakan kasabay ng Araw ng Kalayaan bukas, Hunyo 12.

-- Ulat nina Neil Jerome Morales at Simon Lewis, Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.