Bata, binugbog at pinatay sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 03:12 PM

NEGROS OCCIDENTAL — Isang 11 anyos na bata ang binugbog at pinatay ng hindi pa kilalang suspek sa Victorias City nitong Huwebes.

Natagpuang patay at puno ng hematoma si Mark Anton Belode sa gilid ng isang chapel sa Hacienda Pusan ng kanyang mga kaibigan.

Ayon kay Senior Isnp. Joy Ellaga, lumabas sa otopsiya na isang bakal o kahoy ang ginamit pamalo sa leeg ni Mark Anton.

Naniniwala rin sila na maaaring dalawa o tatlo ang suspek na sangkot. Maaaring nakainom din ang mga ito nang bugbugin ang bata.

Ayon naman kay Erlinda Belode, ina ng biktima, Miyerkoles ng gabi pa raw nawala ang kanyang anak.

“Hinanap ko siya sa buong bayan pero wala siya. Pumunta rin ako sa eskwelahan sa Cuayong baka sakali makita ko siya bago ako pumunta sa pulis,” ani Erlinda.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakita si Mark Anton na namimitas ng pili sa puno ng kapitbahay nila.

Dagdag ni Erlinda, may mga pumipilit daw kay Mark Anton na mamitas ng pili dati pero hindi siya naniniwalang ito ang dahilan ng pagkamatay ng anak.

“Sana mahuli nila kung sino ang responsable sa brutal na pagpatay sa anak ko,” ani Erlinda. -- Ulat mula kay Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.