800-K halaga ng shabu nakumpiska sa Bacolod

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 10:15 PM | Updated as of Jun 12 2017 12:59 AM

BACOLOD CITY - Aabot sa P800,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa magkakasunod na buy-bust operation sa Purok Fatima, Barangay 31 sa Bacolod City Linggo.

Target ng operasyon sina Samsodee Dimasangcai at ang pinsan nito na si Asnia Mariga, kapwa mga drug personality ayon sa tala ng Police Station 6.

Arestado ang dalawa matapos magbenta ng shabu sa mga pulis sa halagang P1,000 bawat isa.

Arestado rin sina Khominee Dimasangcai, na siyang pangalawa sa listahan ng mga drug personality sa lugar, kasama ang kanyang mga kapatid na sina Gaonara at Bolawan Dimasangcai; Amir Menor, Darrel Mifa at Irene Mae Chicano, na nakuhanan ng iligal na droga at drug paraphernalia.

Isinagawa ng mga operatiba ng Regional Special Operations Group (RSOG)-18 at City Drug Enforcement Unit (CDEU), kasama ang mga tauhan ng Police Station 6 ang operasyon sa bahay nina Samsodee Dimasangcai at Mariga, kung saan nakumpiska ang 18 malalaking sachet ng shabu, drug paraphernalia at P2,000 marked money.

Sasampahan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang lahat ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.