Patay ang isang pinaghihinalaang holdaper sa Makati City, gabi ng Hunyo 9, 2023. Retrato mula sa Makati City Police
Patay sa engkwentro ang isang itinuturong holdaper Biyernes ng gabi sa Makati City.
Mag-a-alas-11 ng gabi nang mangyari ang engwentro sa pagitan ng pulisya at ng suspek sa Brgy. Poblacion.
Ayon sa Makati Police, may mino-monitor silang gumagalang naka-motorsiklo habang nagpaptupad ng Oplan Sita, nang mamataan ang suspek sakay ng motor na may plakang may takip.
Nang sisitahin na ay humarurot umano ito paalis. Pero nasukol ito sa P. Burgos corner Kalayaan.
Ayon kay Police Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police, nagmula sa isang grupo ang itinuturong suspek at may ilang reklamo na umano ng pangho-hold-up sa Maynila kaya pinaghahanap siya para mahuli ng Manila Police District.
"Naalarma yung ating bystanders doon. So kinuyog po nila itong suspect natin doon. Bumunot ito ng baril, and then ,ayun, tinutok niya. Tamang tama, andiyan na yung pulis nating dumating, dahil, ayun nga, sinundan nila. Nagkaroon ng armed encounter," kuwento ni Cutiyog.
Dinala pa sa ospital ang itinuturong holdaper pero idineklara itong dead on arrival.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.