Larawan kuha ng Phivolcs
ALBAY — Nagpapatuloy ngayong Sabado ang paglikas sa mga residente na nasa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng Bulkang Mayon sa Albay, na nananatili pa rin sa Alert Level 3.
Ayon kay Eugene Escobar, officer-in-charge ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), may ilan pang mga residenteng hindi nakasama sa paglikas nitong Biyernes.
Sa ngayon, nasa 655 na pamilya o 2,662 na indibidwal ang nailipat sa evacuation centers mula sa Tabaco City, Ligao City, Malilipot, Guinobatan, Camalig at Daraga.
Wala namang problema sa mga evacuation, ayon kay Escobar.
Nitong biyernes, idineklara ang state of calamity sa buong lalawigan ng Albay.
Ayon kay Albay Governor Edcel Greco Lagman, magagamit ang P30 milyong pondo para sa pangangailangan ng evacuees gaya ng pagkain, tubig at mga gamot.
Nasa 59 na pagdausdos ng maiinit na bato ang naitala sa nakalipas na 24 oras, sabi ng Phivolcs nitong Sabado ng umaga.
Mababa ito sa 199 nitong Biyernes.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.