PatrolPH

Cargo vessel sa Real, Quezon tumagilid; 4 sasakyan, lumubog

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2022 07:29 PM

Tumagilid ang cargo vessel na LCT Balesin sa Ungos Port sa Real, Quezon alas-3 ng hapon ng Biyernes. 

Sa mga videong ibinahagi ng KBYN, makikitang nakatagilid ang cargo vessel at lumubog sa tubig ang tatlong dump truck at isang van na lulan nito.

Walang naiulat na nasaktan. Nakaligtas ang higit 10 pasahero na tumalon sa tubig.

Hindi pa nakaaalis ng pantalan patungong Polillo ang barko nang magkaroon ito ng aberya.

Ayon sa pasaherong si Edwin Amintado, napansin niya nang tabingi ang barko bago pa sila makasampa rito.

"Tumagilid po ang barko, siguro po dahil sa sakay nito na hindi naka-level. Yun kami ay tumalon na," dagdag ni Amintado.

Isa rin sa mga nakaligtas ay si Alberto Estibisa na nagtatrabaho sa Balesin Island.

Ligtas din ang 10 niyang kasamahan na pawang nakatalon bago tuluyang tumagilid ang barko.

"Yung dala kong mga damit pangtrabaho at gamit pang-construction nawala," saad ni Estibisa.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Real PNP, pinoposisyon na raw ng mga tauhan ng naturang cargo vessel ang karga nitong apat na sasakyan nang biglang tumagilid ang kaliwang bahagi ng barko.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng Philippine Coast Guard- Northern Quezon hinggil sa insidente.

-- Ulat ni Reniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.