Iginiit ng taga-Quezon City Health Department na kailangan talagang sumailalim sa RT-PCR test ng mga buntis bago sila ma-admit sa ospital sa lungsod.
Kasunod ito ng pag-viral ng isang video ng babaeng napaanak sa sasakyan ng napadaang Quezon City Task Force Disiplina matapos tanggihang i-admit ng isang ospital.
Ayon kay Lilia Borlagdan, chief ng City Health Department Midwifery Section, kailangan i-test ang buntis para sa COVID-19 upang maiwasan nitong mahawahan ang mga health worker at ibang pasyente ng ospital sakaling positibo.
Sakaling biglaang napaanak, hangga't maaari ay mayroon dapat na hiwalay o isolated tent sa labas para sa mga pasyente, ani Borlagdan.
Pinayuhan ni Borlagdan ang mga nagdadalantao na malapit nang manganak na magpa-swab test na dahil libre naman ito at kailangan lang i-schedule sa community-based testing center sa lungsod.
Ang taga-Quezon City Task Force Disiplina na si Ronessa Serna ang isa sa mga tumulong sa panganganak ng isang buntis, na pumara sa kanilang sasakyan para magpahatid sana sa isang lying-in clinic.
Aminado si Serna na natakot siya sa nangyari, lalo't wala silang gamit sa panganganak.
Nadala nina Serna ang mag-ina sa isang clinic para doon na tanggalin ang umbilical cord.
Ayon kay Serna, ikinuwento sa kaniya ng mag-asawa na tinanggihan ang mga ito ng ospital na pinuntahan nila dahil wala silang COVID-19 swab test.
Sa isang text message, sinabi ni Dr. Sabina Mendoza ng Rosario Maclang Hospital — ang tumangging ospital — na sumunod lang sila sa panuntunan ng Philippine Infectious Disease Society for Obstetrics and Gynecology.
Ayon naman sa mga barangay health worker sa Payatas, Quezon City, may 8 kaso na sa kanilang lugar ng mga buntis na tinanggihan ng mga ospital ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ang iba pa raw na buntis ay pinapayagan i-admit sa kondisyong kasama ng mga ito ang COVID-19 patients.
-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, metro, metro news, Quezon City, Covid-19, swab test, RT-PCR test, Covid-19 test, buntis, manganganak, pregnant Covid-19 test, TV Patrol, Zyann Ambrosio, nanganak sa sasakyan, Covid-19 pregnancy