PatrolPH

Quarantine sa NCR Plus posibleng luwagan: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 07:22 PM

Watch more on iWantTFC

Posibleng ilagay sa mas maluwag na quarantine status ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal sa susunod na linggo dahil sa patuloy na pagbuti ng mga numero kaugnay sa COVID-19, ayon sa Malacañang.

Hanggang Hunyo 15 mananatili ang mga naturang lugar, na tinawag na "NCR Plus," sa general community quarantine (GCQ) "with heightened restriction."

"Based on the figures Metro Manila Plus might be looking at a de-escalation. It may not be to MGCQ (modified GCQ), but it could be to ordinary GCQ," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Muling bumaba nang 17 porsiyento ang average daily cases sa Metro Manila mula Hunyo 3 hanggang 9, sa bilang na 939.

Bumaba na rin sa 53 porsiyento ang mga okupadong intensive care unit bed sa rehiyon.

Negatibo na rin ang growth rate sa Bulacan, Cavite, at Rizal.

Pag-uusapan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ngayong Huwebes ang pagsasapinal ng rekomendasyon na ito, kung saan kasama ang posibilidad ng muling pag-operate ng mga gym.

Ayon naman sa OCTA Research Group, unti-unti na ring bumabagal ang pagdami ng mga kaso ng sakit sa Mindanao, partikular sa Cagayan de Oro City.

Nakikita na rin ang pagbaba ng mga kaso sa Zamboanga City pero nagpaalala pa rin ang alkalde ng lungsod sa mga residente na sumunod sa health protocols.

Sa Visayas, nanatili ring mababa ang kaso sa One Cebu o iyong Cebu province, Cebu City, Mandaue City, at Lapu-Lapu City.

Kaya pinag-aaralan ng mga taga-Department of Health (DOH) sa Central Visayas na higpitan ang border control sa One Cebu.

Pero kung may mga lugar na nakitaan ng pagbuti ng kalagayan, may mga lugar na kabaligtaran.

Ayon sa OCTA, nananatiling mataas ang mga kaso ngayon sa Western Visayas.

Ayon kay Dr. Mary Jane Roches Juanico, head ng DOH-Western Visayas infectious disease cluster, mula sa 50 kaso kada araw noong Enero, nasa 600 na ngayon ang average daily cases na naitatala nila.

Karamihan din sa mga kaso ay malalang uri ng COVID-19.

"One of the things na we suspect is really pag-move ng mga tao across island and across regions," ani Juanico.

Nakapagtala naman ng 572 bagong kaso ang Eastern Visayas, ang pinakamalaking bilang sa loob ng isang araw.

Isinailalim naman ang Palawan sa state of calamity bunsod ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Ngayong Huwebes, nakapagtala ang DOH ng 7,485 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang bilang na higit 1.293 milyon.

Sa bilang na iyon, 56,921 ang active cases.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.