Pagsipa ng COVID-19 cases sa E. Visayas sinisi sa mga birthday party, reunion

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 03:07 PM

Nakapagtala ngayong Huwebes ang Eastern Visayas ng 572 dagdag na kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na naiulat sa isang araw mula nang mag-umpisa ang pandemya, ayon sa lokal na Department of Health.

Ayon sa regional DOH, tumaas ang mga kaso dahil sa hindi pagsunod ng karamihan sa minimum health protocols at patuloy na pagsasagawa ng mass gathering.

"Karamihan sa aming naitatalang kaso ng COVID-19 ay dulot pa rin ng super-spreader events gaya ng birthday parties, reunion at mga pagtitipon-tipon katulad ng fiesta," sabi ni Dr. Mark Steven Capungcol ng DOH-Eastern Visayas.

"Inuulit po namin na ang mga ganitong pagtitipon ay maaaring magdulot ng COVID-19 transmission na pwede ring ikamatay ng mga mahihina o vulnerable groups," dagdag niya.

Ang Tacloban ang lungsod na may pinakamaraming bilang ng mga bagong kaso, na nasa 112.

Nanguna naman ang Leyte, na may 163 kaso, sa mga probinsiya. Sinundan ito ng Northern Samar na may 123 bagong kaso.

Dahil sa pagtaas ng mga kaso sa Tacloban, hinigpitan ng lokal na pamahalaan ang pagbabantay sa entry points ng lungsod, tulad ng San Juanico Bridge.

Nitong Miyerkoles, 17 pasahero mula Luzon ang nahuli sa checkpoint ng tulay, karamihan ay hindi nakapagpakita ng mga kaukulang dokumento para makapasok ng lungsod.

Kamakailan, 5 pahinante ng truck naman mula Nueva Ecija ang hinuli sa checkpoint dahil sa hindi pagsunod sa health protocols.

Dinala ang mga nahuli sa mga quarantine facility.

-- Ulat ni Sharon Evite

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.