LTO planong maghanap ng gagawa ng mga plaka ng motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 04:38 PM | Updated as of Jun 11 2021 08:33 AM

Plano ng Land Transportation Office (LTO) na maghanap ng gagawa ng mga plaka ng motorsiklo dahil hindi na umano ito kaya ng kanilang pasilidad.

Ayon kay LTO chief Edgar Galvante, puno na ang pagawaan ng plaka ng LTO.

Sa motorsiklo pa lang, aabutin ng 18 milyon na piraso ng plaka ang kakailanganing gawin hanggang 2022 pero kada araw, 2,500 hanggang 2,600 lang ang nagagawa.

"Napatakagal ng paghihintay na 'yon kung iaasa lang natin sa planta 'yong pagpo-produce sa plaka," ani Galvante.

Kasama sa mga plakang planong ipagawa sa iba ang mga motorsiklong nairehistro noong 2017 pababa.

Ang binibigyang prayoridad ng pagawaan ng plaka ng LTO ay ang mga sasakyang nabili o naiparehistro noong 2018 hanggang 2021 alinsunod sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat kapag may biniling sasakyan, may kasama nang plaka.

Nanghingi ang LTO ng P2.5-bilyong pondo mula sa national government para mahabol ang paggawa ng mga plaka na hindi kaya ng sariling pasilidad.

Kasama rin sa pondo ang pagbili ng LTO ng dagdag na makina para sa kanilang pagawaan.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.