PatrolPH

Libreng COVID-19 tests para sa jobseekers isinusulong ng mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 03:52 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isinusulong ng isang mambabatas na gawing libre ang coronavirus disease (COVID-19) testing para sa mga naghahanap ng trabaho. 

Ayon kay Sen. Sonny Angara na nagsulong ng Senate Bill 2291, problema ng ilang naghahanap ng trabaho ang pag-require ng ilang employers ng negatibong COVID-19 tests. 

Para kay Angara, malaking gastos ang P3,500 hanggang P5,000 na COVID-19 test na katumbas ng dalawang sako ng bigas. 

Ang gastos din aniya sa RT-PCR test at ang gastos ng biyahe papunta sa testing site ay katumbas ng kalahating buwang suweldo ng minimum wage earner. 

Bagama't online na aniya ang ilang job application ay mayroon pa ring face-to-face interviews ang hiring process. 

"Kung luluwas ka sa isang lungsod, minsan kailangan yang negative result as gate pass. Kahit na sabihin na online ang application, kadalasan may face-to-face interview na kasunod, o kaya actual demonstration ng skills," ani Angara. 

Dagdag pa niya, marami na ang nagrereklamong may COVID-19 test bilang pre-employment requirement kaya isinusulong niya ang libreng swab test sa mga naghahanap ng trabaho lalo na kung employment stimulus ito. 

Sa ilalim ng panukala, PhilHealth ang sasagot sa COVID-19 testing. 

Kabilang sa ililibre sa testing ang mga unang beses na naghahanap ng trabaho, unemployed pero naghahanap ng trabaho, at ang mga na-displace dulot ng pandemya. 

Kailangan ding mag-reserve ng slot sa jobseekers para sa libreng test kung saan ire-refund ng PhilHealth ang bayad. 

Nilinaw naman sa panukala na hindi dapat requirement ang COVID-19 test. 

-- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.