Dahil sa bisikleta? Lalaki sinaksak ng nakababatang kapatid sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 06:36 AM | Updated as of Jun 10 2021 11:49 AM

Patay ang isang magsasaka sa bayan ng Quezon, Isabela matapos na saksakin ng kaniyang kapatid noong Martes ng gabi. 

Kinilala ang biktima na si Benjamin Egar, 38, habang ang suspek ay ang nakababata nitong kapatid na si Robert Jake, 18. Kapwa sila residente ng Barangay Minagbag. 

Sa imbestigasyon ng Quezon Police, kinompronta umano ng biktima ang suspek tungkol sa hindi nito pagpapahiram ng bisikleta. 

Humantong sila sa mainit na pagtatalo hanggang sa saksakin ng suspek ang biktima. 

Sinubukang mamagitan ng kapatid nilang babae na humingi pa ng tulong sa mga kapitbahay, pero hindi pa rin naawat sa pananaksak ang suspek. 

Nagtamo ng mga saksak sa tagiliran, dibdib, likod ng katawan at tainga ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay. 

Lumalabas pa sa imbestigasyon na parehong nakainom ng alak ang magkapatid nang mangyari ang insidente. Hindi rin umano ito ang unang beses na nagkaroon sila ng mga pagtatalo. 

Narekober ang kutsilyong ginamit ng suspek. Nasampahan na rin ng reklamong homicide ang suspek. — Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.