PatrolPH

'Sinasadya na': Ex-Comelec officials nagbabala sa pag-abuso sa 'substitution'

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 08:30 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Maaaring samantalahin ng mga politiko ang substitution ng mga kandidato sa halalan lalo't nakita nilang maaari itong gawin sa national level noong 2016, ayon sa 2 dating commissioner ng Commission on Elections (Comelec).

Pinapahintulutan ng Omnibus Election Code ang substitution ng kandidato ng isang political party na pumanaw, umatras o di kaya’y pinal nang nadiskuwalipika. Dapat manggaling din sa partido ang ipapalit.

Dahil automated na ang halalan, mas maagang itinatakda ng Comelec ang deadline para sa mga umaatras na kandidato para maisama pa ang pangalan ng substitute sa balota. 

Ang palugit para sa kapalit ng pumanaw o nadiskuwalipikang kandidato ay hanggang sa tanghali pa ng mismong araw ng botohan at dapat kaapelyido. Bawal ang substitution sa independent candidates.

Noong halalan 2016, gumawa ng kasaysayan si noo'y Davao City Mayor Rodrigo Duterte nang gawin siyang substitute candidate ng umatras na PDP-Laban presidential candidate Martin Diño.
    
Ayon kina dating Comelec commissioner Gregorio Larrazabal at Luie Guia, pambihira ito sa national position dahil kailangang maagang magpakilala ang mga kandidato na mas malawak ang kampanyang gagawin. 
    
Pero madalas anila mangyari ang substitution sa lokal.

"Maabuso talaga 'yan and it has happened in the past," ani Larrazabal.

"Kung minsan you get the feeling na parang sinasadya na kung let’s say na hindi pa handa o mayroon pang issue sa filing ng certificate of candidacy ay mayroong pinapauna and then before the deadline ia-allow 'yung substitution by reason of withdrawal, saka lang nagwi-withdraw and then nagfa-file 'yung substitute... Sabihin na nating element of mischief kasi gusto mong kumbaga to go around the rule," sabi ni Guia. 

Bilang solusyon anila, maaaring itakda ng mas maaga ng Comelec ang deadline para sa substitution ng mga magwi-withdraw na kandidato. 

Panahon na rin anila na amyendahan ang Omnibus Election Code na ipinasa para sa mano-mano pang halalan. 

Sa Oktubre pa ang filing ng certificate of candidacy.

Nobyembre 15 naman ang huling araw para sa substitution ng party-list nominees at mga kandidato na aatras, pumanaw, o pinal nang nadiskuwalipika para maisama pa sa balota.

Mula Nobyembre 16 hanggang tanghali ng araw ng botohan ang substitution ng disqualified o pumanaw na kandidato na kaapelyido ang ipapalit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.