MAYNILA - Nakatakdang dumating gabi ng Huwebes ang 2.2 milyong bakuna ng Pfizer na galing sa vaccine-sharing facility ng COVAX.
Pero saan at kanino ilalaan ang mga naturang bakuna?
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., ang mga Pfizer vaccine ay para lang muna sa mga A1, A2, at A3 category sa ngayon.
Maaari itong ibakuna sa mga nasa A5 o ang indigent population kapag nagbukas na ang pagbabakuna sa naturang sektor - batay sa prioritization framework ng World Health Organization.
Tig-210,000 doses ang kabuuang ipapadala sa Metro Davao at Metro Cebu. Ang matitira, paghahatian ng mga lokal na pamahalaan sa NCR Plus Bubble.
Pero dahil maselan ang storage ng Pfizer, pili lang ang mabibigyan.
"Ide-deploy natin dito sa NCR Plus and then sa mga areas na ready tumanggap ng Pfizer kasi hindi natin puwede natin ibigay sa lahat ng LGU ang Pfizer kasi nakikita natin marami tayong rotating brownout and then meron tayo tinatawag natin typhoon season ngayon at ayaw natin meron tayo mabulok o masira na vaccine," ani Galvez.
Tiniyak naman ni Galvez na may plano ang pandemic task force kung magkakaroon ng rotational power interruption.
Samantala, dumating na ang karagdagang 1 milyong dose ng Sinovac vaccines na binili ng gobyerno mula China.
Kung susumahin, nasa 7.5 milyong dose na ng naturang bakuna ang natanggap ng bansa. Sa bilang, 1 milyon ay mula sa donasyon ng China.
Ipapamahagi ito sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
May darating namang 1.5 milyong doses ng Sinovac sa Hunyo 17.
— May mga ulat nina Dennis Datu, Vivienne Gulla, at Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, COVAX, COVAX Facility, Pfizer, Pfizer vaccine, Sinovac, Pfizer, Covid-19 vaccine, bakuna