PatrolPH

SSS: June 15 deadline para sa pagbabayad ng kontribusyon di na palalawigin

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 08:16 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Dagsa ang mga tao ngayong Miyerkoles sa isang tanggapan ng Social Security System (SSS) sa Quezon City sa kabila ng direktibang dapat may social distancing.

Marami ang nagpoproseso ng ilang benepisyo pero ang pinakamarami ay ang mga humahabol ng monthly contribution na naipon noong lockdown, na ang deadline ay sa Lunes, Hunyo 15.

Nagreklamo ang mga pumila sa tanggapan ng SSS, lalo iyong mga nababad sa init at ulan nang ilang oras.

Huumingi naman ng paumanhin ang SSS dahil hindi naman daw puwedeng papasukan lahat para mapanatili ang social distancing sa loob ng tanggapan.

"'Di namin inasahan ganito karami ang magbabayad sa Diliman branch. Gagawan po natin ng paraan, magdadagdag tayo ng additional tent," sabi sa panayam ni SSS Spokesman Fernan Nicolas.

Nilinaw ng SSS na hindi na mae-extend ang June 15 deadline para sa pagbabayad ng kontribusyon.

"Ma-beat natin 'yong deadline para walang penalty 'yong 3 months... lalo na malalaking kompanya, medyo malaki po 'pag pinatawan ng penalties 'yong contribution," ani Nicolas.

 PAG-IBIG, GSIS

Sa Hunyo 15 din ang deadline ng kontribusyon sa Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund para sa mga employed.

"Kung makapagbayad, makapag-remit kayo ng contributions by June 15, penalty free po lahat ng contributions... [noong] March, April, May," ani Pag-IBIG Spokesperson Kalin Garcia.

"Kung 'di po kayo makapag-remit by Monday, after that, may penalty na for our employers," dagdag niya.

Sa Government Service Insurance System (GSIS), dahil may 30-day grace period sa susunod na buwan pa ang singilan ng utang.

"Mag-start kami mangolekta ng loan amortizations sa July," ani GSIS Senior Vice President Nora Malubay.

"'Yong loan moratorium natin, it will extend the term of the loan. If the remaining term of the loan is, let us say is 12 months na lang, so magpa-plus 4 months kami," ani Malubay.

Pero ang kontribusyon ng GSIS member ay nagsimula nang ikaltas noon pang suweldo ng Mayo.

Kailangan daw kasing mangolekta ng kontribusyon para hindi maapektuhan umano ang benepisyo ng miyembro.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.