PatrolPH

Relief packs hatid sa ilang taga-Laurel, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 08:43 PM | Updated as of Jun 10 2020 10:16 PM

Relief packs hatid sa ilang taga-Laurel, Batangas 1
Hinatiran ng tulong ng Sagip Kapamilya ang mga pamilya sa Barangay Boso-Boso sa Laurel, Batangas, na kamakailan ay nalubog sa baha at putik. ABS-CBN News

Balot sa putik ang malaking bahagi ng binabantayang bahay ng 66 anyos na si Nemie Altobar sa Barangay Boso-Boso, Laurel, Batangas.

Kasama ang kaniyang mister at anak, sinisikap nilang tungkabin ang tumitigas na putik na dala ng flashflood noong nakaraang linggo, na pinalala umano ng makapal na abong ibinuga ng bulkang Taal noong Enero.

Ikinuwento ni Altobar na matinding takot at pangamba ang naramdaman niya habang tumataas ang putik. Dali-dali umano silang lumipat sa kapitbahay.

“Hindi po namin alam kung saan kami pupunta, tatakbo,” ani Altobar.

“Hindi pa nga po kami nakakabangon sa bulkang Taal tapos ayan na naman po,” dagdag niya.

Umaasa lang ngayon sa mga tulong ng kapatid si Altobar dahil hindi rin makapagtrabaho bilang construction worker ang kaniyang asawa dahil sa krisis a COVID-19.

Natangay naman ng baha ang motorsiklong gamit sa paglalako ng isda ng pamilya ni Manny Pisigan.

“’Yon lang po ang aking service po sa paghahanapbuhay... Hinuhulugan ko pa po iyon nang 3 taon, eh isang taon ko pa lang nahuhulugan,” ani Manny.

“Apat na buwan na nga po siyang hindi nakakapaglako simula noong pumutok ang bulkan tapos nagka-COVID,” ani Gemma, misis ni Manny.

Muntik na ring matangay ng baha ang anak ng mga Pisigan na si Jimuel habang sinusubukang habulin at isalba ang kanilang motorsiklo.

Panibagong pagsubok ito para sa lokal na pamahalaan ng Laurel, lalo at hindi pa sila tuluyang nakakabawi mula sa pinsalang iniwan ng pagputok ng bulkang Taal, African swine fever, at COVID-19.

Bilang pantawid naman sa mga nasalantang pamilya, nagdala ang ABS-CBN Sagip Kapamilya ng relief packs para sa nasa 500 kabahayan ng Barangay Boso-Boso.

Laman ng mga ito ang mga bigas, de-lata, at biskuwit. Mayroon ding pang-emergency na ligtas bags.

Nag-turn over din ang Sagip Kapamilya ng mga tent sa barangay at munisipyo.

“Natutuwa po kami at muling bumalik ang ating mga Kapamilya dito para handugan ng tulong ang ating mga kabarangay,” ani Laurel Mayor Joan Amo.

Kung nais pang tumulong, maaaring ipaabot ang tulong-pinansiyal dito:

Relief packs hatid sa ilang taga-Laurel, Batangas 2

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.