Pagtitipon sa tapat ng barangay hall sa Maynila ikinabahala

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinabahala ng ilang residente sa Barangay 262 sa Tondo, Maynila ang hindi maayos na pagpapatupad ng physical distancing sa kanilang lugar at ang pagkakaroon ng animo'y kasiyahan sa tapat mismo ng barangay hall noong piyesta.

Sa kuha ng isang Bayan Patroller noong Hunyo 7, makikita ang mga tao sa tapat mismo ng barangay hall na walang suot na face mask at todo-hataw sa pagsasayaw.

Nangangamba ang Bayan Patroller na madagdagan ang bilang ng mga positibo ng COVID-19 dahil hindi umano nasusunod ang physical distancing sa kanilang lugar.

Sa patakarang ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, bagaman naka-general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, ipinagbabawal pa rin ang mass gathering.

Papayagan lang ang pagtitipon ng mga tao kung ito ay bahagi ng kritikal na serbisyo ng gobyerno at mga aktibidad na magbibigay ng serbisyo sa publiko.

Ayon sa Bayan Patroller, hindi ito ang unang beses na hindi nasunod ang physical distancing sa lugar.

May video at mga larawan din ang Bayan Patroller noong Abril at Mayo ng mga nagkukumpulang tao sa tapat ng barangay hall.

Depensa naman ni Susan Duanan, chairperson ng barangay, may piyesta kasi sa kanila noong Hunyo 7 at hindi umano napigilan ng kaniyang mga tauhan na magkaroon ng kasiyahan.

“Galit na galit po ako sa kanila nang malaman kong mayroong ganon,” ani Duanan.

“Inaamin ko naman po nagkulang ako sa ganoong parte. Hihigpitan na lang po namin ngayon na gagawin po namin 'yong nararapat namin gawin para hindi na po kami uulit,” dagdag niya.

Ayon naman sa Manila Barangay Bureau, iniimbestighahan na nila ang insidente at pinadalhan ng sulat ang chairperson para magpaliwanag.

Nagpaalala ang bureau sa iba pang mga barangay na huwag tularan ang mga ganoong gawain dahil kahit naka-GCQ ang Metro Manila, kailangan pa ring manatili ng mga tao sa loob ng kanilang mga bahay para hindi dumami ang mahahawa sa COVID-19.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.