PatrolPH

Paglalagay ng internet connection para sa distance learning minamadali ng DICT

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 08:05 PM

MAYNILA - Doble kayod ang Department of Information and Communications Technology sa pagpapalawak ng “Free Wi-Fi for All” program nito upang matugunan ang pangangailan sa internet connection ng mga pampublikong educational institutions.

Ito'y dahil inaasahan na hindi muna papayagan ang physical classes sa mga paaralan sa darating na Agosto, at sa halip ay gagamit ng alternative modes of learning, kabilang na ang online classes, dahil sa patuloy na coronavirus pandemic. 

Sa ipinalabas na memorandum ni DICT Sec. Gregorio Honasan nitong Miyerkoles, inatasan niya ang mga miyembro ng Free WiFi Internet Access in Public Places team at mga regional office nito na makipag-ugnayan sa Department of Education, Commission on Higher Education, state colleges and universities, at iba pang mga educational institution para sa agarang paglalagay ng libreng WiFi access.

Ayon kay Honasan, mahalagang bahagi ng planong blended at distance learning ng DepEd ang maasahang internet connection kaya minamadali na ang pagtatayo ng mga imprastruktura upang matugunan ang inaasahang malaking demand sa internet ng mga estudyante at mga guro.

Sa ilalim ng Republic Act 10929 o Free Internet Access in Public Places Act, sakop ng DICT ang pagbibigay ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar kabilang ang mga plaza, paaralan, rural health units, transport terminals, mga hospital, at community quarantine sites.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.