P1.7-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 5 huli sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 01:08 PM

Tinatayang nasa P1.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha sa 5 taong naaresto noong hapon ng Martes sa buy-bust operation sa Taguig City.

Nasa 22 hanggang 50 ang edad ng mga suspek na nahuli sa operasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine Drug Enforcement Agency sa parking ng isang mall sa Barangay Western Bicutan bandang alas-4:55 ng hapon, ayon sa ulat ng NCRPO.

Matagal nang binabantayan ng mga pulis ang pagbebenta ng mga suspek ng ilegal na droga, sabi ng NCRPO.

Dinampot ang mga ito ng mga awtoridad noong Martes matapos umanong bentahan ng ilegal na droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Para makalusot sa checkpoint, inilalagay ng mga suspek ang hinihinalang shabu sa mga plastik ng bigas, ayon sa NCRPO.

Nakuha umano sa mga suspek ang 5 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 250 gramo, isang plastic bag ng bigas, 2 cellphone, at ang buy-bust money.

Nakadetine sa Kamuning Police Station sa Quezon City ang mga suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.