PatrolPH

'Online barter' tampok sa Facebook group sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 02:11 PM

Bumuo ng online barter group ang isang residente ng Albay para matulungan ang mga residente na mabenta o mai-barter ang kanilang mga produkto o mga gamit sa bahay sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Ito ang "Friendly Barter Community in Albay," isang Facebook group na ibinuo ni Helena Garcia. 

Sa grupo, maaaring mag-barter ng kagamitan o iyong direktang pagpapapalit ng mga produkto o serbisyo na may kaparehang halaga, na uso noong araw. 

Ayon kay Garcia, binuo ito para matulungan ang mga umaaray sa pandemya ng coronavirus disease 2019. 

"'Di ba dati nong panahon ng mga ninuno natin wala pa namang pera non. So exchange talaga ng goods and services parang bumalik tayo sa ganoon," ani Garcia. 

Ilan lamang sa ibinabarter ang isang carpet na kapalit ay prutas at pizza; stuffed toys para sa gulay; nebulizer para sa pagkain; furniture, camera, at maging mga manok at halaman. 

Ayon kay Garcia, malaking oportunidad ang grupo sa mga magsasaka na mai-barter ang kanilang produkto. 

"May mga messages na rin po akong nare-receive na yong parang nagpapatulong na pag may nakaharvest sila kung pwede daw pong para makipag-barter din ng ibang food items din daw po,” ani Garcia. 

Layunin ng online barter na makatulong para mapakinabangan pa ang ibang mga nakatago lang na mga gamit o magkaroon ng pagkain na hindi na kailangang gumastos. 

— Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.