PatrolPH

Mga pasimuno ng 'fake order' sa delivery apps layong ipakulong sa bisa ng panukala

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 06:39 PM | Updated as of Jun 10 2020 07:57 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Inihain na sa Kamara ang panukalang magpaparusa sa mga magka-cancel ng order sa mga food at grocery delivery service nang walang maayos na dahilan. 

Kasabay ito ng mga naglilipanang modus kung saan may mga delivery rider na nawawalan ng kita dahil sa mga nakakanselang order. 

Sa House Bill 6958 o “Food and Grocery Delivery Services Protection Act” pinaparusahan ng pagkakakulong at multang may malaking halaga ang mga nagka-cancel ng order nang walang maayos na dahilan. 

“Malaking halaga dapat P100,000... pagkakakulong 6 years,” ayon sa may-akda ng panukala na si Rep. Alfredo Garbin. 

Kaakibat din ng panukala ang paniniyak na may tamang identification ang lahat ng gumagamit ng food delivery app at hindi nagtatago sa iba-ibang pangalan at cellphone number ang mga ito. 

Giit naman ni Garbin na hindi mapaparusahan ang kustomer kung maayos at tama ang dahilan kaya hindi tinatanggap ang order. 

Maaalalang nauuso ang pagpapadeliver ngayong may lockdown, gawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Kasabay nito naglipana ang mga kuwento kung saan libo-libong puhunan ang nawawala sa mga delivery rider na biktima ng “order pranks” o iyong mga fake order sa pamamagitan ng mga online delivery app. — Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.