PatrolPH

Mga magulang sa Quezon, hati ang opinyon sa balik-eskwela

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 01:30 AM

Mga magulang sa Quezon, hati ang opinyon sa balik-eskwela 1
Kuha ni Ken Yapyuco

Hati ang ilang mga magulang sa Quezon sa usapin ng pagbabalik-eskwela ng mga estudyante.

Higit dalawang buwan na lang ay nakatakda nang magbalik-eskwela ang mga estudyante sa pampublikong paaralan.

Ang dalawang anak ni Ruelyn del Rosario, enrolled na online sa prep at Grade 1. Aniya, ayos lang naman sa kaniya na magturo para hindi mapatigil ang anak.

“Mahirap po sa mga bata at nasa bahay lang ay wala natututunan ngayon . . . Nagpa-enroll na ako sa online kasi sinasabi nila bibigyan na lang ng gawain ng modules sa bahay. Sa bahay na laang. Hindi naman kasi pwedeng face to face, ako na lang ang magtuturo,” ani del Rosario.

Si Margie Catibog naman, hindi pa niya balak ipa-enrol ang dalawang anak. Hindi rin kasi umano siya kumbinsido sa pagpapatupad ng online learning.

“Hindi ko muna papapasukin. Isasakripisyo ko muna ang taon na ito. Ako na lang siguro muna ang magtuturo kasi ang anak ko lang naman ay Grade 1 at tsaka parang ako na lang ang magga-guide,” ani Catibog.

Ayon kay Catherine Talavera, CESO V, schools division superintendent ng Department of Education sa Quezon, hindi lang naman online ang kasama sa distance learning na kanilang ipapatutupad.

“Hindi naman ’yan ipinipilit sa hindi kakayanin. Titingnan natin ang kakayanan ng paaralan kung ano ang kayang ibigay, kakayanan ng magulang kung ano’ng meron sa kanila,” ani Talavera.

Pinakamalaki ang division ng probinsya ng Quezon sa buong Calabarzon.

May mga eskwelahan din ito sa mga island municipality kaya, ani Talavera, pinag-aaralan nilang gawing modular ang ipatupad sa mga lugar na ito.

“It’s modular. Ang pinaka-feasible at practical sa Bondoc peninsula sa Tagkawayan sa fourth district and then we have islands sa Jomalig, Polilio. We will be utilizing the modular instruction," ani Talavera.

“ ’Yun lang ang pwede kasi wala talaga siyang internet. Kung may internet naman, wala namang gadget. Tapos merong signal wala namang connection.”

Noong Hunyo 1 pa nagsimula ang brigada eskwela kung saan hinikayat ng DepEd na pwede na ring magpatala ang mga mag-aaral, online o via text.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.