PatrolPH

Mayor Isko: Curfew hours sa Maynila tuloy

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 09:36 PM

MAYNILA - Tuloy ang pagpapatupad ng curfew hours sa lungsod ng Maynila.

Sa pulong ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga opisyal ng pulisya at department heads ng city hall, sinabi niya na mananatili ang alas-8 ng gabi na curfew sa lungsod.

Mananatili aniya ito hanggang hindi binabawi ng pamahalaan ang state of national health emergency.

Inatasan din nito ang awtoridad na hulihin at dalhin sa mga covered court ang mga maiispatang mga residente na hindi nagsusuot ng face mask habang nasa pampublikong mga lugar.

Bagamat nilinaw ng alkalde na patatawarin din naman niya ang mga ito at hindi kakasuhan, kailangan lang nilang maparusahan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo sa oras na mahuli.

Mahigpit din ang bilin ng alkalde na bagamat hinihikayat na niya ang pagbubukas ng mga negosyo sa lungsod, hindi siya mangingiming ipasara ang business establishment na hindi sumusunod sa social distancing protocol.

Pinagbabawal pa rin aniya ang dalaw sa Manila City Jail at mga piitan sa lungsod. - Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.