Mula sa Pasay City Public Information Office
MAYNILA - Hanggang sa kamatayan, hindi na natupad ang kagustuhan ng inang si Michelle Silvertino na makauwi sa kaniyang pamilya sa Camarines Sur.
Nakatakda na sanang ihatid sa Calabanga, Camarines Sur noong Hunyo 6 si Silvertino, ang inang naghintay nang 5 araw sa isang footbridge sa Pasay para maghintay ng biyahe pauwi.
Sa kasamaang palad, namatay ang 33 anyos- na matagal nang may iniindang sakit sa baga- isang araw bago ang biyahe.
Sa pahayag ng Pasay City Public Information Office nitong Miyerkoles, matapos matagpuan ng mga tauhan ng lungsod si Silvertino sa footbridge noong Hunyo 4, ipinroseso ng lungsod ang travel pass niya at itinakda pa siyang isailalim sa rapid COVID-19 test noong Hunyo 5.
Inaprubahan na ang pagbiyahe pauwi ni Silvertino sa Calabanga at naglaan ng masasakyan sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod ng Pasay sa tanggapan ni Vice President Leni Robredo.
Kabilang ang Calabanga sa distritong kinatawan ni Robredo noong naging kongresista siya.
Ayon sa lungsod, noong Hunyo 1 nakitang normal ang temperatura at ibang vital signs ni Silvertino nang i-check siya ng mga taga-Pasay Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) kasunod ng timbre sa kanila ng pulis tungkol sa babae.
Pero ayon sa pahayag, naobserbahang pagod na pagod noon si Silvertino.
Tumanggi rin umano si Silvertino sa alok na dalhin sa ospital kaya pinapirma ng waiver.
Hindi na siya nakita sa mga sumunod na araw sa footbridge ng mga bumalik na taga-DRRMO.
Hinala ng Pasay Traffic and Parking Management Office (TPMO), posibleng nagpalipat-lipat ng lugar si Silvertino mula Mayo 31 hanggang Hunyo 4 kaya hindi ito nakita maging ng mga taga TPMO.
Napag-alaman naman ng Pasay Police sa pamilyang pinasukan bilang katulong ni Silvertino sa Antipolo City na isinakay nila siya hanggang Pasay sa paghahanap nito ng bus pauwi, pero suspendido pa ang mga biyahe.
Sinabi ng mga employer sa mga pulis na itinanggi ni Silvertino ang alok nila na sumama na siya pabalik ng Antipolo at nagpaiwan na lang sa Pasay.
Nauna nang sinabi ng kaibigan nitong si Nathanael Alviso na nag-apply sana bilang domestic worker si Silvertino sa Saudi Arabia para itaguyod ang pamilya. Ngunit dahil sa sakit, hindi siya nakapasa at nagdesisyon na lamang mamasukan bilang kasambahay sa Antipolo.
HINDI NA MAIUUWI ANG BANGKAY
Samantala, mananatiling nakalibing na sa Pasay Public Cemetery ang mga labi ni Silvertino at hindi na maiuuwi sa Calabanga.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pasay, hindi na na-cremate ang bangkay ni Silvertino para maiwasan ang panganib sa kalusugan ng mga tauhan ng crematorium.
Wala ring ginawang swab test sa bangkay nang dalhin ito sa Pasay City General Hospital dahil wala itong form para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na kailangan bago gawin ang test.
Sa kabila ng naunang hiling ng mga anak ni Silvertino na iuwi ang labi, sinabi ng lungsod na pumayag ang kapatid nitong si Josie na ipalibing ito matapos malaman nang bumisita sa ospital na hindi na puwede pang i-cremate ang bangkay.
Sumang-ayon na rin sa desisyon ang ina at ibang mga kapatid ni Silvertino.
Ayon pa sa pahayag, sinagot ng pamahalaang lungsod ang gastusin sa ospital at pagpapalibing kay Silvertino.
Sinabi naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na magpapaabot ito ng tulong sa mga kamag-anak ni Silvertino.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Pasay City, Emi Calixto-Rubiano, COVID probable case, Camarines Sur, Tagalog news, COVID-19 infection, namatay sa pag-aabang ng bus