PatrolPH

Aplikasyon para sa driver’s license, student-driver’s permit puwede na online

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 02:05 PM | Updated as of Jun 11 2020 06:45 PM

Watch more News on iWantTFC

Dalawang oras ang ipinila ni Nel Pilac sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City para kumuha ng student-driver's permit sa pagmamaneho.

Nag-walk-in kasi siya, pumila para magrehistro online sa Land Transportation Management System portal ng LTO, at doon na rin nagbayad.

"Parang mas convenient po kung sa online na lang sa bahay, tulad ng ginagawa, then print na lang, padala na lang dito for the payment," ani Pilac.

Para sa mga tulad ni Pilac na kukuha ng student-driver's permit o kaya ay magre-renew ng driver's license, puwede nang sa bahay mag-apply online gamit ang Land Transportation Management System portal.

Puwede rin doong magpa-schedule sa pagkuha ng bagong driver's license at magbayad ng fees online.

Ang serbisyong ito ay available sa 24 LTO pilot sites: Central Office sa Quezon City, Eastwood, San Fernando, Angeles, Cabuya, Davao, Lipa, Baguio, Tagu, Naga, General Santos, Calapan, Ormoc, Roxas, Laoag, Dumaguete, Tagbilaran, Butuan, Bayombong, Malaybalay, Pagadian, Ever Gotesco DLRO (Driver’s License Renewal Office), at Muntinlupa.

Layon ng bagong serbisyo na paikliin ang proseso sa LTO offices at makontrol ang dagsa ng mga magpaparehistro sa gitna ng COVID-19 pandemic.

"Iwasan na natin yung transaksiyon kung saan dadagsa yung tao and magkakaroon tayo ng problema sa pag-implement ng sinasabing social distancing," ani LTO chief Edgar Galvante.

"Kung magwo-walk in ka, ang dami mo pang dadaanan eh. 'Pag nag-online ka, na-set na yung appointment mo, at nakapagbayad ka na online. Pagpunta mo sa LTO, magba-biometrics ka lang, picture, then release na 'yong iyong lisensya," ani LTO management information division chief Rector Antiga.

Para makapag-apply ng student permit o lisensiya, pumunta lang sa portal.lto.gov.ph. Sa website irehistro ang ilang basic information tulad ng pangalan, birthdate, email address, at contact number.

Kapag naka-register na, puwede nang mamili kung ano ang transaksiyong gustong i-avail.

Kailangan ding mag-upload ng ilang requirements tulad ng medical certificate.

Sa ngayon, pina-pilot test pa ang online registration ng mga sasakyan pero inaasahang maisasama na rin ito sa mga serbisyong available sa LTO public portal sa Setyembre.

Plano ring dagdagan sa susunod na linggo ang LTO sites na puwedeng gumamit ng Land Transportation Management System portal.

Tiniyak naman ng LTO na nagtalaga sila ng mga magtuturo sa mga walk-in na motorista kung paano gamitin ang online public portal ng ahensiya.

Nilinaw rin ng ahensiya na tumatanggap pa sila ng walk-in clients.

Pinag-aaralan na rin ng LTO ang pag-accredit ng courier services na puwedeng maghatid ng lisensiya at plaka sa mga magre-register online.

Nagpaalala naman ang LTO sa mga may driver's license at vehicle registration na napaso noong panahon ng lockdown na may 60 araw na extension mula nang tinanggal ang mahigpit na quarantine restrictioners sa kanilang lugar, para mag-renew nang walang penalty. -- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.