PatrolPH

3 teenager nasagip sa pambubugaw sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 05:32 PM | Updated as of Jun 10 2020 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

Tatlong menor de edad ang sinagip ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa isa umanong bugaw sa Taguig City.

Sa isang apartelle sa lungsod sinagip ng mga tauhan ng NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) ang mga babae matapos silang ihatid doon ng umano’y bugaw.

Pinangakuan umano ng bugaw ang mga babae – na nasa edad 14 hanggang 17 – ng tig-P2,000 kapalit ng pakikipagtalik.

Ibinugaw ang mga babae sa pamamagitan ng social media, ayon kay Janet Francisco, chief ng NBI-AHTRAD.

Ayon pa kay Francisco, lumaganap ang prostitusyon sa social media matapos ipatupad ang lockdown.

May iba umanong mga kaso na wala nang bugaw at kusang inilalako ng mga biktima ang kanilang mga sarili sa mga ka-chat.

Patuloy na binabantayan ng NBI ang social media sites para masugpo ang prostitusyon, ani Francisco.

Dadalhin sa Department of Social Welfare and Development ang mga biktima.

Inaalam pa ang tunay na edad ng umano ay bugaw, na nahaharap sa kasong human trafficking at paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.