'Taas-pasahe asahan sa pag-deactivate ng 8,000 Grab units'

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 07:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng tumaas ang pasahe at mahirapan sa pag-book ang mga pasahero ng ride-hailing firm na Grab dahil sa pag-deactivate sa 8,000 umano ay kolorum na unit, ayon sa isang grupo ng mga driver na kasama sa mga made-deactivate.

"Bababa ang supply natin. Ang tendency po 'pag bumaba ang supply, tataas ang pamasahe, magkakaroon ng surge," sabi ni Leonardo de Leon, chairman ng TNVS (transport network vehicle service) Hatchback Community. 

Nagpatikim din ng protesta ngayong Lunes sa Quezon City ang TNVS Hatchback Community, na kinabibilangan ng Grab drivers na gumagamit ng hatchback units.

Sa mga panuntunang ipinalabas kamakailan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ipinagbabawal na ang paggamit ng hatchbacks na sasakyan sa mga ride-sharing service.

Balak din ng grupo ng mga Grab driver na magdaos ng kilos-protesta sa tanggapan ng LTFRB sa Martes. 

Ayon sa Grab, tuloy ang deactivation ngayong Lunes. Kasama raw sa mga made-deactivate ang mga hatchback at mga hindi nakapagproseso ng mga kailangang dokumento sa LTFRB noong nagdaang 6 buwan.

Haharap din sa Martes ang LTFRB para ipaliwanag ang dahilan nila sa pag-deactivate ng nasa 8,000 unit.

Base sa rekord ng LTFRB, nasa 40,522 na ang TNVS units na nabigyan ng prangkisa at halos 20,714 ay may pansamantalang permit para makapag-operate. 

Nagbukas din ng 10,000 para sa bagong TNVS unit ang LTFRB. --Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.