P6.8 milyon na shabu nasamsam sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 07:56 AM

MANILA -- Nasabat ng mga pulis ang nasa P6.8 milyon na halaga ng hinihinalang shabu mula sa 2 lalaki at isang babae sa Sta. Ana, Maynila, Lunes ng madaling-araw. 

Sakay ng kotse sa Osmeña Highway ang mga suspek nang magbenta sila ng nasa kalahating kilo ng droga sa mga undercover officers kapalit ng P500,000. 

Nang arestuhin ang grupo, nakuha sa kanilang sasakyan ang nasa kalahati pang kilo ng umano'y shabu na nakasilid sa packaging ng Chinese tea. Kapereho ito ng ebidensyang nakuha sa isang operasyon kamakailan sa Pateros, Manila. 

Lumalabas sa imbestigasyon na miyembro ang mga suspek ng isang sindikatong may opersyon sa Metro Manila at katabing lalawigan ng Cavite, ayon sa pulisya. 

"Considering na ang pagre-repack nila ay by 100 grams, so ang pinagpapasahan nila nito, mga peddlers din na nagdi-distribute din sa iba pa na mga street level pushers natin dito," ani Metro Manila police chief Major General Guillermo Eleazar. 
 
Itinanggi naman ng mga suspek na nagtutulak sila ng droga. Giit ng isa sa kanila, "Sumakay lang po ako sa kotse." 

Iimbestigahan pa ng mga pulis kung saan ibinabagsak ng grupo ang droga at kung saan nila kinukuha ang suplay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.