Mga miyembro ng Kapa Ministry, dismayado sa pansamantalang pagtigil ng operasyon nito

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 07:59 PM

Ikinadismaya ng mga miyembro ng Kapa-Community Ministry International Inc. at isa pang investment company sa Davao del Sur ang pansamantalang pagtigil ng operasyon ng mga ito.

Ilang miyembro ng Kapa-Community Ministry sa bayan ng Santa Cruz ang pumunta sa opisina ngayong Lunes, pero nagtaka na sarado ito.

Ayon sa guwardya, sampung araw na pansamantalang isinara ang opisina ng nagpakilalang relihiyosong organisasyon, at hindi muna magbibigay ng blessing, o tubo sa ibinigay na donasyon.

Ito'y kasabay sa panawagan ng founder ng Kapa na si Pastor Joel Apolinario na magsasagawa ng week of prayer, dahil sa anila'y opresyon sa kanilang organisasyon.

Ito'y matapos din ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ititigil ang operasyon ng Kapa, na tinawag niyang isang pyramiding scheme.

NAKATULONG SA MIYEMBRO?

Walong buwan nang miyembro sa Kapa Community Ministry International Incorporated ang mag-asawang Ronald at Lizelle Seque.

Sa P95,000 sa naibigay na donations, tumatanggap ang mag-asawa ng 26,500 kada buwan na blessings sa loob na ng walong buwan.

Dahil sa malaking tubo ng perang natatanggap, nakapagpatayo ito ng karinderya at dito nila kinukuha ang pang-araw-araw na gastusin sa pamilya

Habang si Ronald naman ay nakabili ng brand new na motorsiklo.

"Sama karon nga wala mi nakabasak, unya naa ang KAPA, bintaha gyud nga wala mi nagpait," sabi ni Ronald Segue, myembro ng Kapa Ministry.

(Tulad ngayon, na hindi kami nakatanim, bentahe talaga ang Kapa dahil hindi kami naghihirap.)

Ayon sa mag-asawa, bahagyang gumanda ang kanilang pamumuhay na noon nagtatanim ng palay si Ronald habang nag aahente naman si Lizelle sa maaaning bigas. 

"Among napundar kining karenderya, Kapa man jud ni wala gud me panginabuhian diri sa una," Ayon kay Lizelle Segue, Member, Kapa Ministry.

(Aming napundar ang karenderya, Kapa talaga ito. Wala talaga kaming hanapbuhay dito dati.)

Si Doreen Rapas, nadismaya nang pinuntahan ang opisina ng Kapa sa Santa Cruz para kukunin sana ang kaniyang P3,000 blessings.

Dala-dala pa nito ang kopya ng kanyang Deed Of Donation.

"Magkobra lagi unta ko today kay akong mga anak dili pa kompleto gamit sige lang paaboton na lang gyud na," aniya.

(Kukunin ko na sana today kay di pa kompleto ng gamit ang anak ko pero sige na lang aantayin ko na lang talaga.)

Lunes ng hapon nang sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tanggapan ng Kapa-Community Ministry International sa Taytay, Rizal.

Ginanap ang raid matapos ipag-utos ng pangulo sa mga awtoridad na arestuhin ang mga opisyal ng korporasyon sa gitna ng mga alegasyon na sangkot ito sa investment scam.

Galit naman ang ibang myembro ng investment company na Rigen Marketing sa Matanao, Davao del Sur dahil halos magdadalawang linggo na rin na delayed ang pay-out ng kanilang pera.

Dahil dito, sinabi ng miyembro na si Fe Bernales na ililibre niya ang lahat na nasa opisina ng Rigen Marketing kapag maka-pay-out na ito.

"Pag-magpayout ako ngayong librehin ko kayong lahat. na verify na man nila system dapat June 1 pa ko mao ni nianhi nako diri kay sa mag sige ta paminaw aning fake news," aniya.

(Pagmaka pay-out ako ngayon ililibre ko kayong lahat dito. Na-verify naman na sa system dapat June 1 pa ako kaya pumunta na ako dito para hindi lang fake news ang maririnig natin.)