'Mga isdang nakukuha sa Laguna de Bay ligtas kainin'

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 07:46 PM

Nililinis noong Hunyo 10 ng mga volunteer ang dalampasigan ng Laguna de Bay na puno ng liya o lumot. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Tiniyak ng mga awtoridad na ligtas kainin ang mga isdang nakukuha sa Laguna de Bay sa kabila ng pagdami ng mga liya o lumot na nakukuha sa lawa.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Adelina Borja, department manager ng Resource Management and Development Department sa Laguna Lake Development Authority, na walang masamang epekto sa kalusugan ang pagdami ng mga lumot ngayon sa Laguna de Bay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero hindi rin maganda sa mga palaisdaan ang sobrang pagdami ng lumot dahil nabubulok ito at nakakaapekto sa lasa ng isda.

"May danger 'yong ganyan ding karami. 'Pag may araw, nasa mataas ang produksiyon. Sa gabi, nire-respire din 'yan. Gumagamit din sila ng oxygen at nabubulok 'yon," ani Borja.

"[Kung] sa tingin nila ay kung kumain sila ay nagkakaroon sila ng ibang pakiramdam, iwasan muna natin," dagdag ni Borja.

Ayon naman kay Dr. Maria Teresa Tuliao, acting city health officer sa Muntinlupa, wala silang nakikitang problema sa amoy at lasa ng mga isda mula sa lawa.

"Sa ngayon ay safe po kainin," ani Tuliao.

"Ang mga isda po na hinahango ay galing sa malalim na lugar ng Laguna Lake na wala naman pong liya," dagdag niya.

Lumiit na sa ngayon ang bahagi ng lawa na kulay berde dahil sa lumot pero masangsang pa rin ang amoy.

Kada ilang linggo naglilinis sa baybayin ng lawa ang Lake Management Office ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa pero hindi raw nila maalis ang mga liya.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.